
Kasama ng ating mga manggagawa – mula pormal, impormal, kontraktwal, at propesyunal – ang Philippine Cooperative Center ngayon ika-1 ng Mayo sa pagdiriwang ng Araw ng Manggagawa.
Naniniwala ang PCC na ang pangunahing nagpapalago ng ekonomiya ng komunidad at bansa ang mga manggagawa nito. Kung kaya’t mahalagang ipaglaban at proteksyunan ang mga batayang karapatan ng kilusang manggagawa: (1) karampatang at makataong pasahod, (2) security of tenure, (3) karampatang benepisyo, (4) at ang ligtas, angkop, at sapat na trabaho para sa ating manggagawa.
Sa pagpapalakas ng uring manggagawa, lalong yayabong ang ekonomiya ng bansa.
Dikit-palad ang kasaysayan at pagkakakilanlan ng kooperatiba at uring manggagawa. Binuo ng sampung manghahabi – kasama ang dalawampung kooperator – ang Rochdale Society of Equitable Pioneers upang masagot ang ilan sa mga pangunahing pangangailangan ng mga manggagawa sa panahon ng Industrial Revolution. Parehong ipinaglalaban ng uring manggagawa at kilusang kooperatiba ang maralita at nasa laylayan. Ang dalawang ito mayroong mutually reinforcing relationship kung saan ang paglakas ng kooperatiba ay kaakibat ng paglakas ng manggagawa.
Sa panahon ng krisis sa langis, ang nasa laylayan ang nauunang madisgrasya. Ang uring manggagawa – lalo na ang nasa sektor ng transportasyon – ang unang tinatamaan at naghihirap. Kung kaya’t mahalaga na ang mga sektor na ito ay magtulong-tulong at magkaisa. Pinaglalaban ng kooperatiba ang paglago ng ating komunidad, ang dangal ng manggagawa, at ang pagkakapantay-pantay ng lahat, lalo na sa panahon ng krisis.
Para sa Manggagawa –
Para sa Kooperatiba –
MAPAGPALAYANG ARAW NG PAGGAWA!
__________________________________________________________________________
Almira Cheska Guinto-Garais
Acting CEO
09171237202
Ray John Paul Santiago
Research Staff
09564490166